Pagtanda at Pagbabago...
Tumatanda ka na.
Nasa Friday Magic Madness na yung mga paborito mong
kanta. Nakaka-relate ka na sa Classic MTV. Lesbiana na yung
kinaaaliwan mong child star dati. Nanay na lagi ang
role ng crush na crush mong matinee idol noon.
Dati, pag may panot, sisigaw ka agad ng "PENDONG!".
Ngayon, pag may sumisigaw nun, ikaw na yung
napapraning. Parang botika na ang cabinet mo. May
multivitamins, vitamin E, vitamin C, royal jelly,
tsaka ginko biloba.
Dati, laging may inuman. Sa inuman, may lechon, sisig,
kaldereta, inihaw na liempo, pusit, at kung anu-ano
pa. Ngayon, nagkukumpulan na lang kayo ng mga kasama
mo sa Starbucks at oorder ng tea.
Wala na ang mga kaibigan mo noon.
Ang dating masasayang tawanan ng barkada sa canteen,
napalitan na ng walang katapusang pagrereklamo tungkol
sa kumpanya ninyo. Wala na ang best friend mo na lagi
mong pinupuntahan kapag may problema ka.
Mahirap nang makahanap ng totoong kaibigan. Hindi mo
kayang pagkatiwalaan ang kasama mo araw-araw sa
opisina. Kung sabagay, nagkakilala lang kayo dahil
gusto ninyong kumita ng pera at umakyat sa tinatawag
nilang "corporate ladder". Anumang pagkakaibigang
umusbong galing sa pera at ambisyon ay hindi talaga
totoong pagkakaibigan. Pera din at ambisyon ang sisira
sa inyong dalawa.
Pera. Pera na ang nagpapatakbo ng buhay mo.
Alipin ka na ng Meralco, PLDT, SkyCable, Globe, Smart,
at Sun. Alipin ka ng Midnight Madness. Alipin ka ng
tollgate sa expressway. Alipin ka ng credit card mo.
Alipin ka ng ATM. Alipin ka ng BIR.
Dati-rati masaya ka na sa isang platong instant pancit
canton. Ngayon, dapat may kasamang italian chicken ang
fettucine alfredo mo. Masaya ka na noon pag
nakakapag-ober-da-bakod kayo para makapagswimming.
Ngayon, ayaw mong lumangoy kung hindi Boracay o Puerto
Galera ang lugar. Dati, sulit na sulit na sa yo ang
gin pomelo. Ngayon, pagkatapos ng ilang bote ng red
wine, maghahanap ka ng San Mig Light o Vodka Cruiser.
Wala ka nang magawa. Sumasabay ang lifestyle mo sa
income mo. Nagtataka ka kung bakit hindi ka pa rin
nakakaipon kahit tumataas ang sweldo mo. Yung mga
bagay na gusto mong bilhin dati na sinasabi mong hindi
mo kailangan, abot-kamay mo na. Pero kahit nasa iyo na
ang mga gusto mong bilhin, hindi ka pa rin makuntento.
Saan ka ba papunta?
Gumising ka. Hindi ka nabuhay sa mundong ito para
maging isa lang sa mga baterya ng mga machines sa
Matrix. Hanapin mo ang dahilan kung bakit nilagay ka
rito. Kung ang buhay mo ngayon ay uulit-ulit lang
hanggang maging singkwenta anyos ka na, magsisisi ka.
Lumingon ka kung paano ka nagsimula, isipin ang mga
tao at mga bagay na nagpasaya sa yo. Balikan mo sila.
Ikaw ang nagbago, hindi ang mundo.
"the deeper you fall, the higher you can fly"